Naghanda ang Rural Health Unit (RHU) ng Ferrol ng mga hakbang para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayang dadalaw sa mga sementeryo sa paggunita ng Undas, kabilang ang paglalagay ng emergency medical tent sa November 1.
Sa pangunguna ni Municipal Health Officer (MHO) Dr. Renato Menrige Jr., magtatalaga ang RHU ng mga nurse at medical personnel sa sementeryo mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, katuwang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Binigyang-diin ng RHU ang kahalagahan ng pag-iingat laban sa matinding init na maaaring magdulot ng dehydration, pagkahilo at pagtaas ng presyon ng dugo, lalo na sa mga bata, matatanda at mga taong may karamdaman.
Pinayuhan ang publiko na iwasang magtungo sa sementeryo sa katanghaliang tapat at mas piliin ang pagbisita bago mag-alas-9 ng umaga o pagkatapos ng alas-3 ng hapon. Pinayuhan din ang mga dadalaw na magdala ng payong o sombrero at sariling inuming tubig.
Hinimok din ng RHU ang mga lokal na negosyo, kabilang ang mga water refilling station, na makipagtulungan sa pagbibigay ng libreng tubig sa mga emergency medical station. Ipinayo rin ang pag-iwas sa pag-inom ng alak sa sementeryo.
Nagbabala rin ang RHU, lalo na sa mga magulang at tagapag-alaga, na huwag hayaang kunin o kainin ng mga bata ang mga pagkaing nakabukas at inialay sa mga nitso upang maiwasan ang kontaminasyon at food poisoning.


























