Nangako si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona na tutulong sa lokal na pamahalaan ng San Andres upang magkaroon ng sariling legislative building ang bayan sa susunod na taon.
Ibinahagi ni Madrona ang kanyang pahayag sa pagpapasinaya ng bagong Legislative Building ng Calatrava noong October 9.
Ayon kay Madrona, ang hinihiling lamang niya sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Andres ay makipagtulungan sa executive department upang maisakatuparan ang proyekto.
Matagal na umanong kahilingan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Andres ang pagkakaroon ng sariling tanggapan upang mas madaling mahanap at mapuntahan ng kanilang mga nasasakupan.
Kapag naisakatuparan, magsisilbing tanggapan ang legislative building ng bise alkalde at mga miyembro ng Sangguniang Bayan, gayundin ang lugar para sa kanilang mga sesyon at iba pang gawain ng konseho.


























