Naitala ang pagkamatay ng mga isda o fish kill sa ilang bahagi ng baybayin ng Odiongan, Romblon na iniuugnay ng Municipal Agriculture Office (MAO) sa matinding init at pagtaas ng temperatura ng tubig-dagat dulot ng El Niño.
Ayon kay Dally Jean Florendo ng MAO, kabilang sa mga lugar na naapektuhan ang Barangay Canduyong at ilang bahagi ng Libertad at Gabawan.
Ipinaliwanag ng MAO na maaaring maapektuhan ang maliliit na organismo at isda sa mabababaw na bahagi ng dagat kapag mataas ang temperatura ng tubig, partikular kapag nagkakaroon ng low tide sa tanghaling tapat.
Dahil dito, napipilitan umanong pumalaot nang mas malayo ang mga marginal fisherfolk upang makapangisda, kasabay ng paglayo ng mga isda sa mabababaw at mas maiinit na bahagi ng dagat.
Tinatayang higit 2,000 rehistradong mangingisda at nasa 50 backyard fishpond operators sa Odiongan ang maaaring maapektuhan ng ganitong kondisyon sa panahon ng tagtuyot.
Bilang paunang hakbang, naghahanda ang MAO ng market study para sa posibleng pagpapatayo ng mga Fish Aggregating Device (FAD) sa ilalim ng KALAHI program.
Ang FAD ay magsisilbing artipisyal na tirahan o aggregation area ng mga isda sa tamang lalim, na maaaring makatulong sa maliliit na mangingisda na makapangisda nang hindi na kailangang pumalaot sa mas malalayong lugar.


























