Pumirma ngayong araw ang lokal na pamahalaan ng Calatrava at Department of the Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA ng memorandum of agreement para sa pagpapatupad ng Document Management System for Local Government Units (DMS4LGUs).
Ang DMS4LGUs ay isang nationwide digital platform na idinisenyo upang i-digitize at i-centralize ang mga opisyal na rekord ng mga lokal na pamahalaan sa iisang sistema. Binuo ito sa ilalim ng Local Government Unified Support System–Cities and Municipalities Information Management System (LGUSS-CMIMS).
Sa ilalim ng sistema, maaaring mas mabilis na mahanap at ma-access ng mga kawani ang mga dokumento, habang nababawasan ang paggamit ng pisikal na papel at panganib ng pagkawala o pagkasira ng mga rekord.
Layunin din ng DMS4LGUs na mapadali ang workflow at koordinasyon sa pagitan ng mga tanggapan ng LGU, gayundin ang pagsubaybay sa mga transaksyon sa pamamagitan ng digital records.
Ayon kay Calatrava Mayor Robert Fabella, makatutulong ang sistema sa pagpapabilis ng proseso sa munisipyo at sa mas maayos na pamamahala ng mga dokumento, kabilang ang mga ordinansa, resolusyon at iba pang opisyal na rekord.
Ang Calatrava ang kauna-unahang bayan sa MIMAROPA na magpapatupad ng DMS4LGUs.
Pinangunahan ni Fabella ang pagpirma sa kasunduan para sa Calatrava LGU, habang si DILG MIMAROPA Regional Director Rey Maranan naman ang lumagda para sa kagawaran.


























