Nagbukas ng bagong oportunidad para sa retirement tourism, investment at community development sa bayan ng Looc ang paglagda sa CARE Connect: Retirement Care Partnership Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Municipal Government of Looc at Philippine Retirement Authority (PRA) noong September 28, 2026 sa Function Hall ng Municipal Hall sa Poblacion.
Layunin ng partnership na palakasin ang mga programa at inisyatiba para sa retirement living at paghahanda ng isang komunidad na magiging welcoming at supportive sa mga retirado, kabilang ang mga foreign retirees.
Pinangunahan ang paglagda nina Mayor Lisette Medina Arboleda ng LGU Looc at PRA Department Manager Marilou F. Cantancio, na nasaksihan ng mga department head ng LGU, mga punong barangay, SB Member Jimwel Soriano at iba pang stakeholders.
Sa ilalim ng CARE Connect partnership, makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa PRA sa paghahanda para sa mga pangangailangan ng retirement community at pagbuo ng mga programang may kaugnayan sa retirement living.
Bilang isang bayan sa Tablas Island na may coastal environment, lokal na kultura at community setting, layunin ng inisyatiba na maitaguyod ang Looc bilang potensyal na retirement destination para sa mga Pilipino at dayuhang retirado.
Maaari ring magbukas ang retirement sector ng mga oportunidad para sa local businesses, hospitality services, healthcare-related services, real estate, transportasyon at iba pang livelihood activities na maaaring makinabang ang lokal na komunidad.
Sa paglagda ng MOU, pormal na nagsimula ang pagtutulungan ng Looc at PRA para sa mas organisadong paghahanda ng bayan sa mga programang may kaugnayan sa retirement living, kasabay ng pagsusulong ng community development at mga posibleng oportunidad para sa mga residente.


























Discussion about this post