Tinatayang 18,700 residente sa MIMAROPA ang nabigyan ng access sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan noong September 14, 2026, sa isinagawang sabayang implementasyon ng Handog ng Pangulo 2026 sa rehiyon.
Ang datus ay batay sa inilabas na ulat ng Police Regional Office MIMAROPA, na nagbigay ng seguridad, koordinasyon at police assistance sa 10 convergence activities na isinagawa sa Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.
Sa mga aktibidad, inilapit sa mga komunidad ang iba't ibang serbisyo ng national government agencies, local government units at iba pang katuwang na organisasyon. Kabilang dito ang health at medical assistance, PhilHealth services, civil registration at PSA assistance, legal aid, social welfare support at iba pang programa ng pamahalaan.
Sa Occidental Mindoro, anim na convergence activities ang isinagawa sa Mamburao, San Jose at Rizal na umabot sa tinatayang 6,800 benepisyaryo. Sa Calapan City, Oriental Mindoro, nasa 1,200 residente naman ang napagkalooban ng serbisyo.
Umabot sa tinatayang 2,500 benepisyaryo ang convergence activity sa Capitol Compound sa Boac, Marinduque, habang nasa 3,200 indibidwal naman ang naabot ng aktibidad sa Odiongan Covered Court sa Romblon.
Sa Palawan, tinatayang 5,000 benepisyaryo ang nakinabang sa aktibidad na isinagawa sa Provincial Government of Palawan Convention Center sa Puerto Princesa City.
Bilang bahagi ng suporta nito, nagtalaga ang PRO MIMAROPA ng mga tauhan upang tiyakin ang seguridad sa mga lugar ng aktibidad, magtatag ng PNP Helpdesks at Information Desks, tumulong sa mga kalahok at magbigay ng police-related services, kabilang ang assistance para sa police clearance.
Nakipag-ugnayan din ang mga tauhan ng pulisya sa mga government agency, lokal na opisyal at organizers upang matiyak na ligtas, maayos at accessible sa publiko ang mga lugar kung saan isinasagawa ang mga serbisyo.
Ayon kay PBGEN Christopher Dela Cruz, Regional Director ng PRO MIMAROPA, higit pa sa pagbibigay ng seguridad ang papel ng pulisya sa mga aktibidad tulad ng Handog ng Pangulo dahil bahagi rin ng kanilang tungkulin ang pagtulong upang mas madali para sa mga mamamayan na ma-access ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Aniya, nais ng mga police officer na hindi lamang mapanatiling ligtas ang lugar kundi makatulong din sa mga mamamayang nangangailangan ng serbisyo.



































Discussion about this post