Nagpasalamat si Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa pambansang pamahalaan para sa mga pondong at tulong na nakatutulong sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa lalawigan, kabilang ang Local Government Support Fund (LGSF).
Sa kanyang mensahe sa Handog ng Pangulo 2026 sa Odiongan, sinabi ni Fabic na mas nararamdaman ngayon sa Romblon ang suporta ng national government, partikular sa mga pondong naibababa sa mga lokal na pamahalaan para sa iba’t ibang proyekto at programa.
“Nagpapasalamat po tayo sa ating mahal na Pangulo, President Bongbong Marcos, at binabati natin siya sa kanyang birthday,” ani Fabic.
Kabilang sa mga binanggit ng gobernador ang LGSF, pamamahagi ng bigas sa mga bayan at paglalaan ng pondo para sa mga infrastructure project, kabilang ang mga kalsada.
“Mas nararamdaman, mas nakakababa ang mga serbisyo ngayon, lalong-lalo na, di ba, may LGSF po tayo, may bigas na pinapamahagi sa bawat bayan, may mga pondo na binababa para sa ating mga kalsada,” ayon kay Fabic.
Mahalaga aniya ang mga pondong ito para sa Romblon dahil sa pagiging geographically isolated ng lalawigan, kung saan kinakailangan ang pagtutulungan ng national at local governments upang maipatupad ang mga pangunahing proyekto.
Binanggit din ni Fabic ang pagpapatayo ng mga classroom bilang halimbawa ng mga proyektong hindi lamang national government ang tumutulong, kundi pati na rin ang mga lokal na pamahalaan.
“Maging ang pagpapagawa ng classrooms, hindi lang po ang national government ang gumagawa, pati po ang LGU gumagawa na rin. Napakalaking tulong po para sa atin, lalong-lalo na dito tayo sa malayong probinsya,” ani Fabic.
Nagpasalamat din ang gobernador sa mga alkalde, national government agencies at iba pang katuwang na lumahok sa Handog ng Pangulo 2026 sa Odiongan.
Ayon kay Fabic, nakatulong ang pagtutulungan ng mga ahensya at lokal na pamahalaan upang mailapit ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga Romblomanon.
Umaasa naman ang gobernador na hindi lamang sa araw ng Handog ng Pangulo mararamdaman ng mga residente ang presensya at serbisyo ng pamahalaan.
“Sana maramdaman natin hindi lang sa ngayong araw kundi sa lahat ng araw na ang gobyerno po natin ay nagtatrabaho at nandirito po para sa bawat isa,” pahayag ni Fabic.


































Discussion about this post