Ikinagalak ng Department of Education (DepEd) Division of Romblon ang naging resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA), matapos makapagtala ang Pilipinas ng makabuluhang pag-angat sa marka sa Science, Mathematics at Reading.
Sa ginanap na closing program ng Regional Academic, Creative and Entrepreneurship (RACE) event sa Looc National High School, ipinahayag ni Curriculum Implementation Division (CID) Chief Melchor M. Famorcan ang pagkatuwa ng kagawaran sa naging performance ng bansa sa naturang international assessment.
Ayon kay Famorcan, kapansin-pansin ang naging “leap” o pag-angat ng marka ng Pilipinas kumpara sa nakaraang resulta.
Batay sa opisyal na resulta na kanyang ibinahagi, nakakuha ang Pilipinas ng 373 puntos sa Science, na mas mataas ng 17 puntos; 371 puntos sa Mathematics, na tumaas ng 16 puntos; at 367 puntos sa Reading, na nakapagtala naman ng 20 puntos na pag-angat.
Binigyang-diin ni Famorcan na mahalaga rin ang naging ambag ng mga paaralan sa Romblon sa pagsusulong ng kalidad ng edukasyon at paghahanda ng mga mag-aaral para sa mga pagsusuring pandaigdigan.
Aniya, kapwa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ang naging bahagi at kumatawan sa Division of Romblon sa naturang international examination.
Pinasalamatan din niya ang mga guro, mag-aaral, paaralan at iba pang stakeholders na patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga programa ng DepEd para sa pagpapabuti ng learning outcomes.
Binigyang-pugay niya ang dedikasyon at pagsisikap ng mga guro at mag-aaral na aniya’y mahalagang bahagi sa patuloy na pag-unlad ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Ang PISA ay isang international assessment na sumusukat sa kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa mga pangunahing larangan tulad ng Science, Mathematics at Reading, at ginagamit bilang batayan sa pagtukoy ng mga kalakasan at hamon sa sistema ng edukasyon.



































Discussion about this post