Nagtipon ang mga municipal tourism officer ng Romblon at ang Provincial Tourism Office sa isang tourism coordination and planning workshop bilang paghahanda sa muling pagbabalik ng komersyal na biyahe ng Sunlight Air sa rutang Clark–Tablas.
Dumalo sa pagpupulong sina Chief of Staff Denon Madrona Jr. at San Agustin Mayor Aaron James Stephen C. Madrona, kung saan tinalakay ang mga hakbang upang mapalakas ang koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng turismo sa lalawigan.
Kabilang sa mga napag-usapan ang aktibong pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan, resort owners, negosyante, balikbayan, tourism stakeholders, at mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang magpapalakas sa turismo at magpapataas ng passenger traffic sa bagong air route.
Binigyang-diin din sa workshop na mahalaga ang pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor upang matiyak ang pagpapanatili ng Clark–Tablas flights, na inaasahang magpapabilis ng pagdating ng mga turista at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa negosyo at kabuhayan sa Romblon.
Ayon sa mga kalahok, ang turismo ay nananatiling isa sa mga pangunahing haligi ng ekonomiya ng lalawigan, kaya mahalaga ang sama-samang pagkilos ng mga stakeholder upang mapanatili at mapalawak ang konektibidad ng Romblon sa iba pang bahagi ng bansa.



































Discussion about this post