Habang naging usap-usapan sa social media ang kuwento ng isang solo parent sa Malaysia na kinailangang bantayan ang kanyang anak sa pamamagitan ng cellphone camera habang nagtatrabaho bilang delivery rider, mayroon nang hakbang sa mga katulad na sitwasyon sa Romblon upang matulungan ang mga magulang na nagtatrabaho o nag-aaral.
Noong Hunyo, inilunsad ng Romblon State University (RSU) ang Project PAG-IBIG at Family Empowerment Center (FEC) sa pangunahing kampus nito sa Odiongan upang magsilbing child care facility para sa mga anak ng mga estudyante, empleyado, at solo parents.
Sa pamamagitan ng Family Empowerment Center, maaaring iwan ng mga magulang ang kanilang mga anak habang pumapasok sa klase o nagtatrabaho. Mayroon ding mga volunteer teachers at specialists na nakatalaga upang magbigay ng pangangalaga at gabay sa mga bata.
Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), ang RSU ang nagsilbing launch site ng Project ARUGA at kabilang sa mga state universities and colleges na sabay-sabay na nagbukas ng child care facilities bilang suporta sa mga solo parent at kanilang mga pamilya. Nakikipagtulungan din ang unibersidad sa TESDA, DSWD, at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagpapatuloy ng programa.
Sinabi naman ni RSU President Merian P. Catajay-Mani na itinatag ang Project PAG-IBIG at Project ARUGA upang makapagbigay ng support services hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa mga empleyado ng unibersidad na may mga anak.
Bukas ang Family Empowerment Center tuwing Lunes hanggang Biyernes at maaaring gamitin hindi lamang ng mga estudyante at empleyado ng RSU kundi maging ng iba pang miyembro ng komunidad. Ayon sa unibersidad, layunin nitong mabigyan ng ligtas na lugar ang mga bata habang ang kanilang mga magulang ay nasa trabaho o paaralan, kasabay ng pagpapalawak ng access sa mga serbisyong sumusuporta sa pamilya.



































Discussion about this post