Nagsagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) Romblon ng Information and Service Caravan kasabay ng Project Angel Tree Activity na may temang “Ikaw, Ako, Tayo: Sama-samang Pagkilos para sa Batang Malaya” bilang bahagi ng kampanya laban sa child labor at pagsusulong ng kapakanan ng mga bata.
Sa isinagawang service caravan, nakatanggap ang mga batang benepisyaryo ng hygiene kits, school supplies, tsinelas, at bigas mula sa DOLE. Nagkaroon din ng medical at dental services sa pakikipagtulungan ng Rural Health Unit (RHU) ng Sta. Fe at Philippine Dental Association (PDA)-Romblon Chapter, libreng gupit, Jollibee mascot show, at pamamahagi ng grocery packs mula sa St. Vincent.
Samantala, ang mga magulang ng mga benepisyaryo ay sumailalim sa skills training sa paggawa ng atchara na isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), gayundin sa PhilHealth YAKAP orientation upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa mga serbisyong pangkalusugan.
Sa hapon, nagsagawa rin ang DOLE ng Information Caravan na tampok ang oryentasyon hinggil sa Republic Act No. 9231 o ang batas na naglalayong alisin ang pinakamasasamang anyo ng child labor at magbigay ng mas matibay na proteksyon sa mga batang manggagawa. Dinaluhan ito ng mga school heads at principals mula sa 19 na paaralan at mga opisyal ng 11 barangay sa Sta. Fe.
Ayon sa DOLE, layunin ng aktibidad na palakasin ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at komunidad upang maprotektahan ang mga bata laban sa child labor at matiyak ang kanilang karapatan sa edukasyon, kalusugan, at ligtas na kinabukasan.



































Discussion about this post