Mahigit 60 estudyante ang isinugod sa Rural Health Unit (RHU) ng San Fernando matapos makaranas ng pagkahimatay, panic, at iba pang stress-related symptoms kasunod ng magnitude 5.4 na lindol na tumama sa Claveria, Masbate nitong umaga at naramdaman sa isla ng Sibuyan.
Ayon kay San Fernando Mayor Fernando Marin, karamihan sa mga naapektuhan ay mga mag-aaral ng Don Carlos Memorial National High School, habang may ilan ding estudyante mula sa Barangay España ang dinala sa RHU para mabigyan ng agarang atensyong medikal.
Agad namang nagpadala ang lokal na pamahalaan ng mga sasakyan upang sunduin ang mga estudyante mula sa mga paaralan at naglatag ng mga tent sa labas ng RHU upang ma-accommodate ang pagdagsa ng mga pasyente.
Sinabi ni Marin na kinakaya ng RHU ang sitwasyon at wala namang naitalang malubhang kaso sa mga dinalang estudyante.
Bilang pag-iingat, pansamantalang sinuspinde ang klase sa Don Carlos Memorial National High School habang isinasagawa ang assessment sa paaralan at sa iba pang pasilidad kasunod ng pagyanig.
Patuloy namang minomonitor ng lokal na pamahalaan ang kalagayan ng mga estudyante at ang sitwasyon sa bayan, habang wala pang naiuulat na malaking pinsala sa imprastraktura dulot ng lindol.



































Discussion about this post