Tumanggap ng tig-₱5,000 na financial assistance ang 1,141 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga next of kin sa Romblon mula July 9 hanggang 11 sa ilalim ng Quick Aksyon Fund (QAF) ng Department of Migrant Workers (DMW)-MIMAROPA.
Ang mga benepisyaryo ay kabilang sa mga naapektuhan ng Bagyong Opong noong nakaraang taon, partikular ang mga pamilyang nasiraan ng bahay at iba pang ari-arian sa mga bayan ng Odiongan, Calatrava, San Agustin, Santa Fe, Looc, San Andres, Banton, at Concepcion.
Sa kabuuan, ₱5.705 milyon ang ipinamahagi ng DMW upang makatulong sa agarang pangangailangan at pagbangon ng mga OFW at kanilang pamilya mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.
Ayon kay DMW MIMAROPA Regional Director Dr. Carlo Villaflores, layunin ng Quick Aksyon Fund na magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga OFW at kanilang pamilya na naapektuhan ng mga kalamidad at iba pang emergency.
“Ang mga benepisyaryo ay mga OFW at kanilang next of kin. Bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng ₱5,000. Ito ay tulong para sa mga naapektuhan ng bagyo, lalo na sa mga nasiraan ng bahay at iba pang ari-arian,” ani Villaflores.
Kabilang sa mga tumanggap ng ayuda si Vicky Aquino, na kumatawan sa kanyang bunsong anak na isang OFW.
“Salamat po talaga sa kanila na tumulong sa amin. Kasi nasiraan po at naapektuhan po kami ng bagyong Opong. Maraming pong salamat,” ani Aquino.
Samantala, ibinahagi naman ni Doreen Añonuevo, isang returning OFW mula Qatar, na kalahati ng bubong ng kanilang bahay ang nasira dahil sa bagyo.
“Half po ng bubong namin ang nasira dahil sa bagyo, pero naipagawa na rin namin,” aniya.
Ayon sa DMW, bahagi ang Quick Aksyon Fund ng patuloy na programa ng ahensya upang makapagbigay ng agarang tulong sa mga OFW at kanilang pamilya na naapektuhan ng mga kalamidad at iba pang krisis, kasabay ng pagsuporta sa mga hakbang ng pamahalaan para sa pagbangon ng mga apektadong komunidad.



































Discussion about this post