Maaari nang ma-avail sa Isaiah Hospital and Medical Center ang pinalawak na PhilHealth benefit package para sa leptospirosis, kasunod ng pagpapalawak ng coverage ng state health insurer para sa mga pasyenteng may katamtaman hanggang malubhang kaso ng sakit.
Ayon kay Isaiah Hospital and Medical Center CEO Diven Dimaala, kabilang ang kanilang ospital sa mga tumatanggap ng pinalawak na benepisyo ng PhilHealth para sa leptospirosis.
Simula July 15, itataas ng PhilHealth ang case rate para sa moderate hanggang severe leptospirosis upang masaklaw ang mas mataas na gastusin sa pagpapagamot. Maaaring umabot sa ₱63,000 ang benepisyo para sa hospital care, habang hanggang ₱411,000 naman ang maaaring masaklaw para sa mga pasyenteng nangangailangan ng mas komplikadong gamutan tulad ng hemodialysis, mechanical ventilation, at pulmonary rehabilitation.
Kasabay nito, muling nagpaalala si Dimaala sa publiko na mag-ingat laban sa leptospirosis ngayong tag-ulan.
“Galing ‘yan sa mga ihi ng mga infected na daga na humahalo sa mga tubig-baha. Kaya iwasan ang matagal na paglusong sa mga baha ngayong tag-ulan, lalo na ‘yung may mga open wounds,” ani Dimaala.
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na maaaring makuha kapag ang sugat o balat ay na-expose sa tubig o putik na kontaminado ng ihi ng infected na hayop, partikular ng daga.
Hinihikayat ng mga health authorities ang publiko na umiwas sa paglusong sa baha hangga't maaari, magsuot ng protective gear kung kinakailangan, at agad magpatingin sa pinakamalapit na pagamutan kapag nakaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, pamumula ng mata, o paninilaw ng balat matapos ma-expose sa baha.



































Discussion about this post