Tumanggap ng iba't ibang anyo ng tulong ang 400 residente ng bayan ng Santa Maria mula kay Senador Christopher “Bong” Go sa isinagawang relief activity noong Hunyo 17.
Isinagawa ang pamamahagi sa pamamagitan ng tanggapan ng senador sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Santa Maria sa pangunguna ni Mayor Lorie Fabon.
Bukod sa mga ayuda, nakatanggap din ng financial assistance ang mga kwalipikadong benepisyaryo upang makatulong sa kanilang agarang pangangailangan.
Sa mensahe ng senador, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa mga mahihirap at nangangailangang sektor ng lipunan.
“Prayoridad ko ang pagsuporta sa pro-poor programs at dapat po ay sikapin ng gobyerno na walang magutom na Pilipino,” ani Go.
Kasabay nito, binanggit din ng senador ang panukalang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act na naaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado noong Mayo 12.
Bilang may-akda at co-sponsor ng panukala, sinabi ni Go na layunin nitong maisabatas ang AICS program upang maging mas mabilis at tuloy-tuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong dumaranas ng krisis at iba pang suliraning pinansyal.
Ipinunto rin niya ang pagpapatuloy ng mga programang pangkalusugan ng pamahalaan, kabilang ang Malasakit Centers program na naglalayong gawing mas madali ang pagkuha ng tulong medikal ng mga pasyente.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019 na nagtatag ng mga Malasakit Center sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, may 167 Malasakit Centers na sa bansa. Sa Romblon, matatagpuan ang Malasakit Center sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan.
Ayon kay Go, patuloy niyang isusulong ang mga programang nakatuon sa kapakanan at pangangailangan ng mga Pilipino.



































Discussion about this post