Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaking kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons sa antas rehiyonal sa isinagawang operasyon sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon noong Hunyo 1.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Raffy,” 24 taong gulang, residente ng Barangay Amatong, Odiongan.
Isinagawa ang pag-aresto bandang 12:55 ng tanghali sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hunyo 1, 2026 ni Executive Judge Edwin B. Buffe ng Regional Trial Court, Branch 82, Odiongan, Romblon.
Nahaharap ang akusado sa kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code na nakatala sa Criminal Case No. OD-3902. Nakasaad sa kautusan ng hukuman na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Pinangunahan ng Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) ng Odiongan Municipal Police Station ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Romblon Provincial Mobile Force Company (RPMFC) at Romblon Maritime Police Station ng PNP Maritime Group.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang akusado sa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.



































Discussion about this post