Tatlong karagdagang motorsiklo o big bikes ang ipinagkaloob nitong hapon mula sa Tanggapan ni Cong. Budoy Madrona sa tatlong yunit ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan ng Romblon.
Kabilang sa mga tumanggap ng motorsiklo ang Highway Patrol Team (HPT), Romblon Police Mobile Force Company (RPMFC), at Romblon Police Provincial Office (RPPO).
Ang mga bagong motorsiklo ay dagdag sa limang yunit na unang ipinagkaloob noong Pebrero 27, 2026 para sa paggamit ng mga yunit ng pulisya sa lalawigan.
Kasabay ng pagbabasbas ng mga sasakyan, nilagdaan nina PNP MIMAROPA Acting Regional Director PBGen. Christopher R. Dela Cruz at Cong. Budoy Madrona ang deed of donation bago ang pormal na paggawad ng mga motorsiklo.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Dela Cruz sa suporta ng mga lokal na pamahalaan sa kapulisan. Aniya, mahalaga ang ganitong mga kagamitan upang makatulong sa pagpapatupad ng mandato ng PNP sa pag-iwas at paglutas ng mga krimen. Tiniyak din niya na maayos na mamementina ang mga sasakyan at sasailalim sa kaukulang pagsasanay ang mga gagamit nito.
Sinabi naman ni Cong. Madrona na inaasahan niyang makatutulong ang mga ipinagkaloob na kagamitan sa pagtugon ng mga pulis sa mga insidente at sa pagprotekta sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan.
Ayon sa mga opisyal, gagamitin ang mga motorsiklo upang mapalawak ang kakayahan sa pagmomobilisa at operasyon ng mga yunit ng pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.



































Discussion about this post