Nangako ng karagdagang suporta ang mga opisyal ng lalawigan ng Romblon para sa mga paaralan sa isinagawang provincial kick-off ceremony ng Brigada Eskwela sa Odiongan North Central Elementary School sa Barangay Batiano, Odiongan.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic na maglalaan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ng tig-₱10,000 para sa bawat paaralan ng Department of Education sa lalawigan sa pamamagitan ng Special Education Fund.
Ayon sa gobernador, isasama na sa taunang pondo ang naturang tulong upang hindi na kinakailangang magsumite pa ng hiwalay na kahilingan ang mga school head tuwing Brigada Eskwela.
Samantala, nangako rin si Congressman Eleandro Jesus Madrona ng ₱50,000 para sa bawat school district sa lalawigan. Ang pondo ay ilalaan batay sa pangangailangan ng mga paaralan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
Binigyang-diin din ni Cong. Madrona ang kahalagahan ng patuloy na partisipasyon ng komunidad sa edukasyon at hinikayat ang mga magulang, lokal na opisyal, at iba pang stakeholders na suportahan ang mga paaralan hindi lamang sa panahon ng Brigada Eskwela kundi sa buong taon.
Kasabay ng programa, lumagda rin ang mga opisyal, guro, at iba pang stakeholders sa isang pledge of commitment bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa Brigada Eskwela at sa patuloy na pagpapabuti ng mga pasilidad at kondisyon sa pag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan.
Magtatagal ang Brigada Eskwela hanggang June 5.



































Discussion about this post