Nagpasalamat si Cajidiocan Mayor Marvin Ramos sa Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) at National Power Corporation (NAPOCOR) matapos maging operational ang mga rental generator sets na tumulong sa pagresolba ng kakulangan sa suplay ng kuryente sa Isla ng Sibuyan.
Ito ang naging pahayag ng alkalde bilang tugon sa inagurasyon ng 1-megawatt rental genset sa San Fernando, Sibuyan na isinagawa noong May 16.
Ayon kay Ramos, matagal nang hinihintay ng mga residente ng Sibuyan ang konkretong solusyon sa nararanasang problema sa suplay ng kuryente sa isla.
Nagpasalamat din ang alkalde kina Engr. Rene M. Fajilagutan, general manager ng ROMELCO, at sa NAPOCOR dahil sa umano’y pakikinig sa hinaing ng mga Sibuyanon kaugnay ng madalas na rotational brownouts at load shedding na naranasan sa nakalipas na mga taon.
Kinilala rin ni Ramos ang naging partisipasyon ng mga residente na nagpahayag ng kanilang saloobin at panawagan para sa mas maayos na serbisyo ng kuryente sa isla.
Ayon pa sa alkalde, bagama’t nagpapasalamat sila sa pansamantalang solusyon, patuloy pa rin nilang isusulong ang mga reporma at pangmatagalang hakbang upang magkaroon ng mas matatag at maaasahang power supply sa Sibuyan Island.



































Discussion about this post