Kasado na ang inaabangang super fight sa pagitan ng dalawang undefeated Japanese boxing stars na sina Naoya Inoue at Junto Nakatani. Nakatakdang magharap ang dalawa sa Mayo 2, 2026 sa Tokyo Dome sa Tokyo, Japan, alas-6 ng gabi (oras sa Maynila).
Nakataya sa laban ang undisputed super bantamweight world title na kasalukuyang hawak ni Inoue, na kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na pound-for-pound fighters sa mundo ngayon.
Parehong malinis ang rekord ng dalawang boksingero. Ang 33-anyos na si Inoue ay may kartadang 32 panalo, walang talo, at 27 knockouts, habang ang 28-anyos na si Nakatani ay may 32 panalo rin, walang talo, at 24 knockouts.
Huling lumaban ang dalawa noong Disyembre 27, 2025 sa Riyadh, Saudi Arabia, kung saan kapwa sila nagwagi via unanimous decision. Tinalo ni Inoue ang Mexican na si Alan David Picasso upang mapanatili ang kanyang titulo, habang nanaig naman si Nakatani laban kay Sebastian Hernandez sa kanyang unang laban sa super bantamweight division.
Matagal nang inaabangan ng boxing world ang sagupaang ito, ngunit ngayon lamang ito natuloy matapos magdesisyon si Nakatani na umakyat ng timbang mula bantamweight upang hamunin si Inoue.
Itinuturing ang laban bilang isa sa pinakamalaking boxing event sa kasaysayan ng Japan, at inaasahang dudumugin ito ng fans mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ayon sa ilang ulat, may mga plano na ring ihanda ang susunod na laban sa Estados Unidos para sa sinumang magwagi sa naturang bakbakan.


































Discussion about this post