Makakatanggap ng bagong gusali ang Macario Molina National High School sa bayan ng Romblon matapos aprubahan ang pondo mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation para sa pagpapatayo ng tatlong palapag na gusali na may 12 silid-aralan.
Ayon kay Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, kabilang ang lalawigan ng Romblon sa unang 25 benepisyaryo sa buong bansa ng programa ng PAGCOR para sa pagpapalawak ng mga pasilidad sa edukasyon.
Batay sa plano, ang itatayong gusali ay magkakaroon ng mga silid-aralan na may kasamang comfort rooms, ceiling fans, upuan, whiteboard, audio system, at 75-inch television sa bawat classroom. Kasama rin sa proyekto ang isang taong libreng fiber internet subscription upang suportahan ang digital learning ng mga mag-aaral.
Pinili ang Macario Molina National High School batay sa masterlist ng mga paaralang nangangailangan ng karagdagang silid-aralan na isinumite ng DepEd Romblon sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Roger Capa.
Isinagawa ang memorandum of agreement signing kasama si Education Secretary Sonny Angara, School Division Superintendent Capa, Macario Molina National High School Principal Helen Montojo, at mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, inaasahang makakatulong ang bagong gusali upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan at mapabuti ang kondisyon ng pag-aaral ng mga mag-aaral sa bayan ng Romblon.


































