Dumating na sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro ang buong delegasyon ng Romblon na lalahok sa MIMAROPA Regional Athletic Association (MRAA) Meet 2026 na gaganapin mula March 8 hanggang 12.
Binubuo ang Team Romblon ng 474 na atleta, kasama ang kanilang mga coach, chaperones, at mga sports officials na magbibigay ng suporta sa iba’t ibang kompetisyon sa rehiyon.
Bago ang kanilang pag-alis, nagsagawa ng send-off ang pamahalaang panlalawigan para sa mga atleta na pinangunahan nina Congressman Eleandro “Budoy” Madrona at Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic. Dumalo rin sa programa ang ilang alkalde mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan upang magbigay ng moral at pinansyal na suporta sa mga kalahok na magrerepresenta sa Romblon.
Target ng Team Romblon na mapagbuti ang kanilang naging performance sa nakaraang MRAA Meet na ginanap sa Puerto Princesa noong 2025 kung saan nakapagtala ang lalawigan ng kabuuang walong gintong medalya.
Kabilang sa mga larong inaasahang may malaking tsansang makapasok sa medal round ang football, dahil sa matagal nang pagsasanay at samahan ng mga manlalaro. Umaasa rin ang delegasyon sa athletics team na dumaan sa masinsinang training bilang paghahanda sa kompetisyon.


































