Pasok sa National Finals ng PSC–NCFP Selection National Chess Championship Tournament ang National Master at Arena International Master na si Jasper Faeldonia, tubong Odiongan, Romblon.
Ito ay matapos niyang pumwesto sa ika-7 puwesto sa katatapos lamang na Pre-Finals Tournament na ginanap noong January 7–11, 2026 sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) sa Quezon City. Nilahukan ang nasabing torneo ng 17 top-rated chess players mula sa iba’t ibang panig ng bansa na naglalayong makakuha ng puwesto sa National Team.
Maganda ang naging panimula ni Faeldonia sa torneo matapos niyang talunin sa Round 1 si National Master Mar Aviel Carredo ng Dasmariñas City. Sa Round 2, nakaharap niya si International Master Chito Garma ng Maynila at nagtapos sa draw ang kanilang laban. Isa pang draw ang naitala ni Faeldonia sa Round 3 laban kay Arena Candidate Master Joemel Narzabal ng Quezon City. Sa Round 4, muling nagwagi si Faeldonia matapos talunin si National Master Gladimir Chester Romero ng Tanauan City. Sa Round 5, nagtapos naman sa draw ang kanyang laban kontra Samson Chiu Chin Lim III ng Maynila. Sa ika-6 at huling round, may pagkakataon sanang makuha ni Faeldonia ang mas mataas na puwesto kung kanyang mapapanalunan ang laban o kung matatapos man lamang ito sa draw, subalit natalo siya kay National Master Oscar Joseph Cantela ng General Trias City. Dahil dito, bumagsak siya sa ika-7 puwesto sa final standings.
Sa kabila nito, kabilang pa rin si Faeldonia sa Top 8 na umabante sa National Finals, na nakatakdang ganapin sa January 21–29, 2026, muli sa PACE, Quezon City. Ang walong nag-qualify mula sa 17 kalahok ay sina International Master Ricardo De Guzman ng Antipolo City, National Master Vince Angelo Medina ng Cabuyao City, ACM Joemel Narzabal ng Quezon City, Samson Chiu Chin Lim III ng Maynila, National Master Oscar Joseph Cantela ng General Trias City, National Master Mar Aviel Carredo ng Dasmariñas City, NM/AIM Jasper Faeldonia ng Romblon, at International Master Chito Garma ng Maynila.
Inaasahang mas magiging mabigat ang mga susunod na laban sa National Finals dahil awtomatikong seeded na rito ang mga Grandmaster ng bansa, gayundin ang ilang dating miyembro ng National Team na muling naghahangad na makabalik sa pambansang koponan. Ilan sa mga posibleng makaharap ni Faeldonia sa susunod na yugto ay sina International Master Michael Concio, Paolo Bersamina, Jan Emmanuel Garcia, at Christian Gian Karlo Arca.
Samantala, patuloy na humihiling ang pamilya ni Jasper ng suporta at panalangin mula sa kanyang mga kababayan at tagasuporta para sa kanyang nalalapit na laban sa National Finals.


































