Naghain na ng kaso sa Sandiganbayan ang Ombudsman laban kay dating Ako-Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA, at mga direktor ng Sunwest Corporation kaugnay ng umano’y iregularidad sa P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang reklamong graft, malversation, at falsification ay may kinalaman sa flood control project sa Mag-Asawang Tubig River na umano’y substandard at hindi tumutugma sa nakasaad sa kontrata.
Ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng 2024 budget at ipinatupad ng DPWH MIMAROPA.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nakapagdulot ng tinatayang P63 milyon na pagkalugi sa pamahalaan ang paggamit ng materyales na hindi alinsunod sa itinakdang specifications. Ang contractor na Sunwest ay pag-aari ng pamilya ni Co.
Ito ang unang kaso na inihain kaugnay ng flood control kickback scheme na unang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address noong Hulyo.
Ayon kay Clavano, “This is the first of many cases.”




































Discussion about this post