Binigyang-diin ng bagong halal na pangulo ng Romblon Communication Network na si John Aries Bejer ang kahalagahan ng matalinong paghusga o maingat na pagsusuri sa bawat impormasyong ibinibigay sa publiko, sa ginanap na capacity building workshop nitong Lunes, November 17.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Bejer na sa panahon ng kaliwa’t kanang impormasyon at mabilisang pagpo-post sa social media, ang maingat na pagsusuri ang nagsisilbing gabay ng mga Public Information Officers (PIOs) upang manatiling tapat, wasto, at responsable.
“Ngayong taon, may isang salita akong naging bahagi na ng values ko bilang information officer: DISCERNMENT,” ani Bejer.
Aniya, ito ang sandaling huminto muna bago magsalita, ang isang malalim na hinga bago mag-post, at ang disiplina na suriin at beripikahin muna ang datos bago ito ipalabas sa publiko.
“Hindi lang tayo storytellers. Tayo ang bantay ng katotohanan. Kailangan natin ng matalinong paghusga para mahiwalay ang ingay sa katotohanan, ang tunay na pangangailangan mula sa padalos-dalos na reaksyon, at ang serbisyo-publiko mula sa personal na bias,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Bejer na kapag malinaw ang impormasyon na inilalabas ng PIOs, mas nagiging malinaw rin ang tiwala ng publiko sa mga lokal na pamahalaan at institusyon.
Ang Romblon Communication Network ay binubuo ng mga information officers mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at National Government Agencies sa buong lalawigan na layuning paigtingin ang tamang pagbibigay ng impormasyon at komunikasyon sa publiko.




































Discussion about this post