Hinamon ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang mga mambabatas na idinadawit ng mag-asawang kontraktor na sina Sarah at Curlee Discaya sa kontrobersiya sa flood control projects na ilabas ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at pumirma ng waiver para buksan ang kanilang bank accounts bilang pagpapakita ng transparency.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, tinukoy ng mga Discaya ang hindi bababa sa 17 dating at kasalukuyang kongresista na umano’y nakatanggap ng “kickback” mula sa mga proyekto. Kabilang dito sina Roman Romulo (Pasig), Arjo Atayde, Patrick Vargas, Reynante Arrogancia, Marvin Rillo, Marivic Co-Pilar (Quezon City), Marcy Teodoro (Marikina), Eleandro Jesus Madrona (Romblon), Leody Tarriela (Occidental Mindoro), Dean Asistio (Caloocan), Rida Robes (Bulacan), Teodorico Haresco (Aklan), Antonieta Eudela (Zamboanga Sibugay), Jojo Ang (Uswag Ilonggo), Nicanor Briones (AGAP), at Florencio Noel (An Waray).
Marami sa mga nabanggit ang agad na naglabas ng pahayag at itinanggi ang akusasyon.
Ayon kay Diokno, “Dapat managot ang lahat ng nasa likod nito, kasama ang kanilang mga kasabwat. Hindi tayo papayag na may makakalusot.”
Naniniwala ang Akbayan na ang mga ibinunyag ng mag-asawang Discaya at iba pang opisyal ay “tuldok pa lamang ng mas malawak na anomalya.” Giit nila, dapat mailantad ang buong network ng mga sangkot at walang dapat palusutin.


































