Iniulat ng Commission on Elections (COMELEC) na walang election hotspot sa buong lalawigan ng Romblon sa gitna ng paghahanda para sa National at Local Elections sa Mayo 12, 2025.
Gayunpaman, tiniyak ng COMELEC at Philippine National Police (PNP) na patuloy ang kanilang paghahanda at pagbabantay upang mapanatili ang kapayapaan sa halalan.
Sa Kapihan sa PIA Romblon noong Abril 29, sinabi ni Provincial Election Supervisor Atty. Ryan Santos na ang buong lalawigan ay nasa ilalim ng green classification, na nangangahulugang wala pang naitatalang election-related violence, presensya ng armadong grupo, o banta mula sa mga tinatawag na communist terrorist groups (CTGs).
“I'm happy to inform everybody po na naka-green light po tayo for the entire Romblon. Wala po tayong election-related violence na reported, presence of CTGs or communist terrorist groups wala rin po tayo,” pahayag ni Santos.
Sa kabila ng mapayapang kalagayan, nananawagan pa rin ang COMELEC ng patuloy na pagbabantay at kooperasyon mula sa publiko at mga kinauukulang ahensya.
“Pero still, ‘yun nga rin po ang ating mensahe at request sa ating mga kaibigan from the PNP headed by Col. Rexton Sawi na we should still be on our toes kasi mahirap maging kumpiyansa,” dagdag pa niya.
Ayon kay Santos, matagal nang kilala ang Romblon sa maayos at tahimik na halalan, at layunin ng COMELEC at PNP na mapanatili ito sa darating na eleksyon.
“For the longest time, napakaayos po ng election po natin dito sa Romblon,” ani Santos.
Patuloy rin ang mga voter education efforts at koordinasyon sa pagitan ng COMELEC, PNP, at lokal na pamahalaan upang masigurong magiging mapayapa, malinis, at makabuluhan ang halalan para sa lahat ng Romblomanon.


































