Aabot sa ₱25 milyon ang ilalaang pondo para sa pagpapasemento ng kalsada sa mga barangay ng Jao-asan at Dulangan sa bayan ng Magdiwang, Romblon, sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Mayor Noel Joseph Machon, inaasahang mapabubuti ng proyekto ang transportasyon at pagbiyahe ng mga residente sa dalawang barangay.
Sinabi ni Machon na makatutulong ang mas maayos na kalsada upang mabawasan ang gastos sa paghahatid ng mga produktong agrikultural at mapabilis ang pagdadala ng mga ani ng mga magsasaka sa sentro ng bayan.
Inaasahan ding mapalalakas ang bentahan ng mga lokal na produkto dahil magiging mas madali ang pagdadala ng mga ito sa pamilihan.
Bukod dito, makatutulong ang proyekto sa pagpapabilis ng biyahe ng mga residente, lalo na sa mga emergency na nangangailangan ng agarang transportasyon.
Sa sandaling maisakatuparan, inaasahang mapabubuti ng proyekto ang koneksiyon ng mga komunidad at masuportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at iba pang residente ng Magdiwang.


























