Isang lalaki ang naaresto matapos matukoy na mayroon siyang umiiral na warrant of arrest habang kumukuha ng National Police Clearance sa Baras, Rizal noong September 24, 2026.
Ayon sa ulat, nagtungo ang indibidwal sa Baras Municipal Police Station (MPS) upang mag-apply ng National Police Clearance sa pamamagitan ng National Police Clearance System (NPCS). Sa isinagawang beripikasyon sa NPCS, lumabas na may umiiral na warrant of arrest laban sa lalaki.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Baras MPS sa San Agustin MPS, sa pangunguna ni PCPT Ricky Fran II, Officer-in-Charge, upang makumpirma ang bisa ng warrant.
Matapos makumpirma ang warrant, inaresto ng mga tauhan ng Baras MPS ang indibidwal.
Ang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Romblon, kaugnay ng paglabag sa Presidential Decree No. 1866, na inamyendahan ng Republic Act No. 8294. Itinakda ang inirekomendang piyansa sa ₱80,000.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Baras MPS ang naarestong indibidwal para sa dokumentasyon at iba pang legal na proseso bago ito iharap sa hukuman na nagpalabas ng warrant.
Pinuri ni PCOL Rexton F. Sawi, Provincial Director ng Romblon Police Provincial Office, ang mga operatiba sa maayos at naaayon sa batas na pagpapatupad ng warrant of arrest.
Binigyang-diin din ni Sawi ang kahalagahan ng National Police Clearance System bilang kasangkapan ng kapulisan sa pagtukoy sa mga indibidwal na may umiiral na warrant of arrest.


























