Inihayag ni Vice Governor Armando “Arming” Gutierrez ang pag-apruba ng ₱62,076,581.70 na mitigation fund ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, kasunod ng reallocation ng pondo na pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan (SP).
Ang nasabing halaga ay katumbas ng 70 porsyento ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) para sa 2026 at inilaan para sa iba’t ibang programa, proyekto, at aktibidad ng lalawigan.
Ayon sa dokumento, ang pondo ay mula sa inaprubahang reallocation sa ilalim ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Resolution No. 2025-11-09, na inendorso ng tanggapan ni Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic.
Kabilang sa mga nakapaloob sa pondo ang ₱10 milyon na inilaan para sa fuel upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan, partikular ang mga ambulansya at ospital sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Ibinahagi ang detalye sa flag raising ceremony noong Abril 27, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng sapat na pondo para sa kahandaan at agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Layunin ng nasabing mitigation fund na suportahan ang mga hakbang sa disaster preparedness at matiyak na hindi maaantala ang mga kritikal na serbisyo ng pamahalaan sa lalawigan.



































Discussion about this post