Pormal nang ipinasa ngayong araw kay Atty. Glenn Niño Sartillo ang pamumuno bilang bagong Provincial Director ng TESDA Romblon, kapalit ni Vanessa Jane Aceveda, na itinalaga bilang hepe ng Financial and Administrative Services Division ng TESDA MIMAROPA.
Bago ang kanyang bagong tungkulin, nagsilbi si Sartillo bilang TESDA Oriental Mindoro Provincial Director at dati ring Vice President for Legal and Student Affairs and Services ng Romblon State University (RSU).
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Sartillo ang hangarin niyang mahatiran ng sapat na kasanayan ang bawat Romblomanon upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Sinabi rin niyang magiging prayoridad ang mas malapit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang maipaabot ang mga training program ng TESDA sa mas maraming barangay, lalo na sa mga nasa malalayong lugar.
Kabilang sa tinitingnang inisyatiba ni Sartillo ang pakikipag-ugnayan sa RSU upang maisakatuparan ang planong pagbubukas ng diploma programs para sa ilang kurso tulad ng mechanical engineering–related skills at hotel and restaurant management.
Tiniyak din niya ang buong suporta sa eight-point agenda ni TESDA Director General, Secretary Jose Francisco “Kiko” Benitez, kabilang ang pagpapalawak ng access sa technical-vocational programs sa mga liblib na komunidad.
Ayon kay Sartillo, ang direksyong ito ay nakatuon sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Romblomanon at sa patuloy na pagpapalakas ng Technical and Vocational Education sector sa lalawigan.




































Discussion about this post