Suportado ni Police Major Chisi Faderagao, hepe ng Odiongan Municipal Police Station, ang panukala ng iilan na magkaroon ng limitadong oras ng bentahan at pag-inom ng nakalalasing na inumin sa bayan ng Odiongan upang maiwasan ang mga insidente ng krimen at aksidente sa kalsada na kadalasang may kinalaman sa kalasingan.
Sa Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni Faderagao na nakikipag-ugnayan na ang kanilang himpilan sa lokal na pamahalaan upang pag-aralan ang naturang panukala.
Aniya, bagama’t may mga establisimyentong posibleng maapektuhan, mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng mga residente.
“Dito sa atin sa Odiongan, halos every week ay may dalawang road accidents tayong naitatala, madalas lasing,” pahayag ni Faderagao.
Dagdag niya, ang kalasingan ay isa rin sa mga pangunahing dahilan ng mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, kung saan madalas ay mga lalaking nakainom ang suspek.
“Kung masakit na ang ulo, magpahinga na lang, hindi manakit ng asawa o anak,” payo ni Faderagao.
Ipinatupad na ang ganitong polisiya sa mga lungsod gaya ng Cotabato, Davao at Cebu, kung saan may itinakdang oras lamang para sa pagbili at pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar.
Ang naturang hakbang, ayon sa pulisya, ay napatunayang nakapagpababa ng insidente ng krimen at aksidente, isang bagay na nais ding makamit sa Odiongan.




































Discussion about this post