Hinimok ni Police Major Chisi Faderagao, hepe ng Odiongan Municipal Police Station, ang mga biktima ng pang-aabuso, lalo na kababaihan at mga bata, na huwag matakot o mahiyang lumapit sa mga awtoridad upang makapagsampa ng kaso laban sa mga salarin.
Sa panayam nitong Miyerkules, November 19, sa Kapihan sa PIA Romblon, binigyang-diin ni Faderagao na may proteksiyong ibinibigay ang batas, partikular ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at may mahigpit na confidentiality ang mga kasong saklaw nito.
“Ang iba kasi ay natatakot pumunta sa police station dahil baka makilala sila ng publiko, kaya sinisiguro po natin na ang ating mga kapulisan ay handang tumulong,” ani Faderagao.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na ang kababaihan at mga bata ay dapat iginagalang at hindi sinasaktan.
Dagdag pa niya, maaari ring magsampa ng kaso ang kahit sinong nakasaksi o may direktang kaalaman sa pang-aabuso, kahit ang mga amang lalaki laban sa ina ng bata kung menor de edad ang biktima.
Sa datos ng Odiongan PNP ngayong taon, nakapagtala sila ng 12 kaso ng paglabag sa Anti-VAWC Act, mas mababa kumpara sa bilang noong nakaraang taon. Karamihan sa mga insidente ay may kaugnayan sa mga suspek na nasa impluwensya ng alak.
Bilang paalala, sinabi ni Faderagao na ang mga lalaki, na kadalasang nakikitang suspek sa ganitong uri ng kaso, ay dapat uminom nang tama at umiwas sa anumang kilos na maaaring humantong sa pananakit.
“Kung masakit na ang ulo, magpahinga na lang, hindi manakit ng asawa o anak,” aniya.
Patuloy na nananawagan ang Odiongan PNP sa mga biktima at kanilang pamilya na agad magsumbong upang mabigyan ng hustisya ang mga naaagrabyado at mapanagot ang mga salarin.




































Discussion about this post