Suportado ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang hakbang ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Trina Firmalo-Fabic na bumuo ng task force upang imbestigahan ang mahigit ₱5.8 bilyong flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lalawigan.
“Todo ang suporta ko diyan. I will welcome that move,” pahayag ni Madrona sa programang Yan Tayo ng DZMM Teleradyo.
“You know why, after lumabas ‘yang mga kwento at isyu, lalo na yung mga ghost projects daw. Maraming lumalabas na mga kwento doon sa amin ang patungo ay papunta sa akin dahil hindi maiwasan yan dahil sa politika,” dagdag pa nito.
So, siguro this is best na magawa ni Governor Trina ‘yung fact-finding nang mapatunayan na talagang nandiyan naman yan [flood control projects], kompleto sa specifications ang pagkagawa at tugma sa pangangailangan,” ayon pa sa congressman.
Bilang halimbawa, sinabi ng kongresista na sa bayan ng Odiongan ay nasa 25% pa lamang ng flood control master plan ng DPWH ang nagagawa. Kailangan pa umano ng karagdagang 75% upang tuluyang maiwasan ang pagbaha.
“Lahat ng mga projects na ito ay vetted and consulted with the locals, sila ang gumagawa ng resolutions diyan,” dagdag pa ni Madrona.
Kamakailan ay iniulat ni Gov. Firmalo-Fabic na mula Hulyo 2022 hanggang 2025 ay aabot sa higit ₱5.8 bilyon ang inilaan para sa mahigit 80 flood control projects sa Romblon, na ngayon ay isasailalim sa validation at fact-finding ng bagong task force.



































