Inilagay na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) upang mas mapalakas ang mga programa at serbisyong nakalaan para sa nakatatanda.
Batay sa Executive Order No. 96 na nilagdaan noong Setyembre 18, layunin ng paglilipat na tiyakin ang mas maayos na koordinasyon ng polisiya at programa para sa kapakanan ng mga senior citizen.
Mananatili naman sa DSWD ang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) Program, na nagbibigay ng tulong pinansyal para sa pang-araw-araw na gastusin at pangangailangang medikal ng mga kwalipikadong nakatatanda.
Ang NCSC ay nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 11350 upang ipatupad ang mga batas at patakarang nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga senior citizen.



































