Inanunsyo ng construction firm na Sunwest, Inc. na nagsasagawa na ito ng restoration works sa ilang flood control projects sa Oriental Mindoro na nasira sa kasagsagan ng malakas na ulan at habagat noong Hulyo.
Ayon sa pahayag ng kompanya, nagsimula ang rehabilitasyon noong Agosto 2, kaagad matapos ang pagbuhos ng malalakas na ulan, at full blast na isinagawa noong Agosto 11. Target umano itong matapos bago matapos ang buwan.
Tinatayang 5 porsiyento lamang ng kabuuang flood control projects ng Sunwest sa Oriental Mindoro ang naapektuhan, batay sa ulat ng kompanya. Dagdag pa nito, kasalukuyan nang isinasagawa ang pagkukumpuni sa pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Sunwest is committed to ensuring that our projects remain reliable and resilient. The rehabilitation is being conducted in coordination with the DPWH,” saad ng kompanya.
“Our priority is to deliver long-term solutions that safeguard lives and livelihoods in Mindoro and beyond,” dagdag pa nito.
Ang pahayag ay kasunod ng ulat ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor, na nagsabing siyam na bagong tayong road dikes sa ilalim ng flood control program ang bumigay sa iba’t ibang bahagi ng Oriental Mindoro noong kasagsagan ng southwest monsoon.



































