Naisangkot si Oriental Mindoro First District Rep. Arnan Panaligan sa usapin ng umano’y “congressional insertion” sa ilang flood control projects sa kanyang distrito matapos banggitin ni Senador Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech ang mga proyekto sa mga bayan ng Baco at Naujan.
Bagama’t hindi direktang pinangalanan, lumabas ang pangalan ni Panaligan sa presentasyon ni Lacson na nagpakita ng accomplishment report ng mambabatas sa ilalim ng kanyang programang “AGILA”, kung saan nakasaad ang ilang flood control projects, kabilang ang ₱95 milyong proyekto sa Barangay Burbuli, Baco. Binanggit din ni Lacson na nakatanggap ang Naujan ng malaking bahagi ng flood control allocation para sa lalawigan.
Subalit agad itong itinanggi ni Panaligan, na iginiit na hindi siya ang proponent ng mga proyekto. Aniya, ang lahat ng flood control projects ay nakapaloob na sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Executive Department at inaprubahan ng Kongreso bago maging bahagi ng General Appropriations Act (GAA).
“Wala tayong papel sa pagpili o paglista ng mga proyekto. Ang implementor niyan ay ang DPWH—sila ang gumagawa ng design, plano, bidding, at kontrata. Wala ring taga-Mindoro sa mga nakuhang kontraktor,” paliwanag ng kongresista.
Ipinakita rin ni Panaligan ang isang liham na ipinadala niya kay DPWH Secretary Manny Bonoan noong 2024 upang ireklamo ang ilang flood control projects na agad nasira. Hiniling niya noon na muling i-assess at ayusin ang structural integrity ng mga proyekto upang maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo.
Handa rin umano siyang makipagpulong o magtalumpati upang ipaliwanag ang kanyang panig at linawin ang isyu.



































