Inihayag ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor ang kanyang pagkabahala sa pagkasira ng mga dike sa Oriental Mindoro—mga estrukturang itinayo kamakailan pa lang upang mapigilan ang pagbaha dulot ng Habagat at magkakasunod na bagyo noong nakaraang buwan.
Kabilang sa kanyang binisita nitong weekend ang dike sa Barangay Mulawin, Naujan, at ilang bahagi sa Barangay Tagumpay.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng aberya sa pagpasok ng gobernador sa isa sa mga proyekto dahil sa kawalan ng kaukulang sulat mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nang makapasok, kanyang nakita ang mga dike na tinambakan ng buhangin, ilang sheet piles na nakalabas, at iba pang pinsala.
Sa Barangay Tagumpay, kanyang napansin ang isang dike project na umano'y nagkakahalaga ng ₱1 bilyon kada kilometro.
Sa kanyang pagbisita, nakita niyang may iisang bakal na nakalagay bilang bahagi ng istruktura.
Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na ipapaabot sa DPWH ang mga obserbasyon para sa kaukulang aksyon.
Ang inspeksyon ay naganap sa gitna ng mas malawak na inisyatiba ng national government na suriin ang mga flood control projects sa buong bansa.



































