Kinuwestyon ni Senator Panfilo Lacson si Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan Panaligan matapos nitong itanggi ang pagkakasangkot sa mga kontrobersyal na flood control projects sa kanyang lalawigan.
Ayon kay Lacson, ipinakita mismo ni Panaligan sa kanyang midterm accomplishment report na ipinost sa social media ang mga flood control at river protection projects bilang bahagi ng programang AGILA o Aksyon ng Gobyerno at Inisyatibo sa Larangang Lehislatura. Subalit nang mabanggit ang mga proyektong ito sa privilege speech ng senador nitong Miyerkules, itinanggi ng kongresista na siya ang nagpanukala o nagpondo rito.
Paliwanag ni Panaligan, ang mga proyekto ay nakapaloob na sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng ehekutibo at hindi direktang nagmula sa kanyang opisina. Aniya, wala rin siyang papel sa proseso ng paglista, pagdisenyo, at pagpapatupad ng mga ito.
Gayunpaman, naniniwala si Lacson na posibleng may iba pang mga politiko na nagpakilala ring kanila ang mga katulad na proyekto ngunit hindi naipost sa social media o agad na inalis ang mga billboard at anunsyo matapos sumabog ang isyu.
Pinayuhan pa ni Lacson ang mga mambabatas na kung may proyektong naipatupad sa kanilang distrito, nararapat na bantayan nila ang implementasyon nito upang matiyak na maayos at kapaki-pakinabang sa publiko, kahit hindi sila ang direktang nagpanukala.



































