Sumalpok sa isang tindahan sa Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon ang isang mini dump truck na pagmamay-ari ng Sunwest Construction and Development Corporation matapos iwasan ng driver nito ang tumatawid na mga pato sa kalsada.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, patungo ng Motorpool ng Sunwest Construction ang truck nang mangyari ang aksidente.
Bago pa man masalpok ang tindahan, nabangga muna ng truck ang dalawang motorsiklong nakaparada sa gilid ng kalsada malapit sa tindahan.
Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing aksidente.
Hawak na ngayon ng Odiongan Municipal Police Station ang driver ng truck maging ang mga nasangkot na sasakyan.