Walang naiulat na nasawi sa probinsya ng Romblon sa gitna ng pananalasa rito ng bagyong Dante nitong Hunyo 2.
Ito ang ibinahagi sa mga mamahayag ni Ret. Col. Roseller Muros, hepe ng Romblon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Aniya, bagama’t ilang lugar sa bayan ng Odiongan ang binaha dahil sa walang tigil na ulan, agad naman umanong nakapaghanda ang lokal na pamahalaan at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan kaya agad na nailikas ang ilang residente rito.
Sa talaan ng Odiongan MDRRMO, may aabot sa 101 na indibidwal ang inilikas mula sa tatlong barangay na binaha sa bayan.
Ayon kay Moros, madaling araw pa lamang ay naramdaman na sa probinsya ang hagupit ng bagyo. Una aniya itong naramdaman sa isla ng Sibuyan island ngunit hindi naman nakapagtala ng pagbaha sa lugar maliban sa ilang naputol na mga sanga ng kahoy.
Sa kapitolyo naman ng probinsya kung saan pang-apat na beses na nag-landfall ang bagyo, moderate hanggang heavy rains ang naranasan umaga ng Miyerkules.