Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng bayan ng Odiongan ang mga restaurants na tumanggap ng indoor dine-in ngunit magiging limitado ito sa 20% ng total capacity ng kainan. Ang outdoor dining naman ay papayagan hanggang 50% total capacity ng kainan.
Ito ay kabilang sa mga bagong guidelines na ipatutupad sa bayan ng Odiongan sa buong buwan ng Hunyo. Nakasaad ito sa executive order na inilabas ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ngayong Lunes.
Base sa bagong guidelines, dapat ang mga establishments ay kinakailangang makakuha ng Safety Seal at dapat gumamit ng Staysafe.PH app bilang kanilang digital logbook.
Ang mga papasok rin ay kailangang masuri ang kanilang temperature at ang mga lalagpas ng 37.5 degree celcius ang temperatura ay hindi papayagang makapasok. Ang mga customers, trabahador, at suppliers rin na magpapakita ng sintomas kagaya colds, cough, at nahihirapang makahinga ay maaring hindi papasukin.
Ang mga kainan ay kailangang kumuha muna ng permit sa Rural Health Unit – Sanitary and Tourism Inspection Team bago muling mag-offer ng dine-in services.
READ: Narito ang kompletong guidelines sa mga food establishments.
Dapat rin umanong mahigpit na ipatupad ang minimum health standards sa loob ng kainan.
Samantala, kabilang rin sa bagong guidelines ang pagtanggal sa home quarantine pass at worker’s pass para sa mga residente ng Odiongan ngunit pinapayuhan parin ang publiko na limitahan parin ang paglabas kung hindi importante ang gagawin.
Ang mga religious gatherings naman ay papayagan na hanggang 50% venue capacity o sa kung ilan ang papayagan ng barangay base sa kanilang pag inspiksyon.
Itinaas na rin ng IATF ang bilang ng mga pwedeng dumalo sa mga kasal, baptism, at iba pang religious ceremony mula 10 hanggang 25 katao.
Hinabaan na rin ng IATF ang bilang ng araw ng burol ng mga nasawi na walang kinalaman sa Covid-19, hanggang 5 araw mula sa dating 3.
Samantala, ang mga empleyado ng mga courier at delivery services ay pinapayuhan rin na mag undergo ng mandatory antigen testing bawat 21 araw.
Pagdating naman sa inter-municipality movement, ang mga biyahero ay kinakailangang kumuha ng medical clearance mula sa Municipal Health Office na pwede silang bumiyahe at travel pass mula sa kanilang munisipyo.
Ang mga manggagaling naman sa high risk at critical areas ay kinakailangang magpakita ng negative antigen test result.
Simula rin ngayong gabi ang curfew na ipatutupad sa bayan ng Odiongan ay mula na alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga kinabukasan.