Dahil sa ulang dala ng bagyong Quinta, pahirapan ang pag-uwi ng mga residente ng Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon kahapon matapos umapaw ang Kaguyangan River sa nasabing Barangay.
Ayon kay Elleonor Royo, isa sa mga residente na nahirapan umuwi, buong araw umano ang ulan sa lugar dahilan upang umapaw sa kalsada tubig mula sa Kaguyangan River.
Makikita sa video na pinilit na tinatawid ng mga residente ang kalsada kahit hanggang tuhod ang tubig baha. Sa taas ng baha, nagmukhang ilog ang kalsada sa lugar.
Ilang motorsiklo ang ang kinailangang buhatin pa para maitawid lang sa kalsada.
Samantala, sa ulat ng San Fernando Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, wala naman umanong inilikas sa lugar dahil sa baha.
Humupa rin ang tubig baha, makalipas ang halos dalawang oras.