Sugatan ang isang lalaki sa Brgy. Tabugon, Santa Fe, Romblon matapos itong tagain ng kanyang lasing na tiyo bandang alas-10:50 kagabi.
Kinilala ng Santa Fe Municipal Police Station ang suspek na si Jobert Visca Salvador habang ang kanyang pamangkin naman ay kinilalang si Jessie Salvador Ochoa.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, umuwi ng lasing ang suspek sa bahay ng kanyang ina at dito niya naabutan ang kanyang kapatid na kainuman ang ilang mga lalaki.
Kinumpranta ng suspek ang kanyang kapatid hanggang sa mauwi sa sagutan at suntukan.
Sinubukang umawat ng biktima sa suntukan at aksidente nitong natulak ang suspek dahilan upang masaktan umano ito.
Umalis suspek sa bahay matapos ang suntukan ngunit bumalik na may dala-dala ng bolo at agad na tinaga ang biktima sa ulo.
Duguang isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr Memorial Hospital ang biktima na ngayon ay nasa stable condition na ayon sa pulisya.
Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at narekober ang kanyang ginamit sa krimen.
Nakakulong na ito ngayon sa presinto at hinihantay nalang na masamapahan ng kaukulang kaso.