Malakas ang trip ng dalawang lasing sa Odiongan, Romblon matapos nilang pagsabihan ang mga pulis na rumesponde sa kanilang pagwawala na maghubad ng uniporme at labanan sila sa suntukan.
Dahil dito, inaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sina Jay Fietro Cruz, 22 anyos; at Dante Cruz, 46 anyos, pawang mga residente ng Barangay Amatong, Odiongan, Romblon.
Ayon sa pulisya, sa sobrang kalasingan ay nagawa nilang magsisigaw sa may Sitio Torrel sa Barangay Dapawan ngayong gabi hanggang sa hamunin nga nila ng suntukan ang mga rumespondeng pulis para sila ay awatin.
Nagawa pa umano ng isa sa mga suspek na itaboy ang kamay ng isa sa mga pulis na umaawat sa kanya.
Nakakulong na ngayon ang dalawa sa Odiongan Municipal Police Station at inaasahang mahaharap sa kasong Alarms and Scandal, at Resistance and Disobedience na nakasaad sa Revised Penal Code ng bansa.