Sugatan ang isang pedestrian sa Odiongan, Romblon matapos itong masalpok ng motorsiklo nitong nakalipas na weekend.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, pauwi na ng Odiongan galing sa isang resort sa Looc, Romblon ang rider na si Jonel Ferriol Fajela, 25, nang masalpok nito ang tumatawid na pedestrian na kinilalang si Joel Guray Forcado, 45.
Naganap ang insidente sa Barangay Anahao, Romblon bandang alas-4:30 ng hapon nitong Sabado.
Dahil sa pagkakasalpok, sumemplang ang rider at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ganun rin si Forcado.
Dinala agad sila sa Romblon Provincial Hospital para agad na gamutin.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing aksidente.