Nauwi sa pananaga ang masaya sanang inuman ng ilang magbabarkada sa Sitio Tabing-ilog, Barangay Batiano, Odiongan, Romblon kagabi. Dahil kasi sa sobrang kalasingan, hindi nagkaunawaan ang biktimang si Charlie Forcadas, at ang suspek na si Dale Jonnard Lozada.
Ayon sa pulisya, habang nag-iinuman ay hindi nagkaunawaan sa isang topic ang dalawa at nauwi sa sagutan hanggang sa umuwi ang suspek na si Lozada sa kanilang bahay para kumuha ng bolo.
Bumalik ito sa bahay ng biktima kung saan sila nag-iinuman at dito niya na hinabol ng taga si Forcadas dahilan upang magtamo ito ng sugat sa likod.
Agad dinala sa Romblon Provincial Hospital ang sugatang biktima habang ang suspek naman ay sinubukang tumakas ngunit natumba rin sa daan dahil sa kalasingan.
Inaresto ito kinalaunan ng pulisya at sasampahan ng Frustrated Murder sa piskalya.