Isang truck na may kargang backhoe ang nawalan ng preno at tumagilid sa may paibabang bahagi ng barangay road ng Sitio Sto. Niño sa bayan ng Looc, Romblon kung saan ay naipit ang isang pahinante ng mahulog ang backhoe na karga nito na nagresulta sa agarang pagkamatay ng biktima.
Batay sa inisyal na impormasyon na nakalap ng Romblon News Network, ang biktima ay kinilalang si Jemuel Aransado, nasa hustong gulang, may asawa at may dalawang taong gulang na kambal na anak at nakatira sa Barangay Guinhayaan ng naturang bayan.
Ang nasabing truck ay pag aari umano ni Ginoong Boy Victoriano ng Pobacion, Looc, Romblon.
Ayon sa mga nakasaksi, napansin umano nila na nang dumaan ang truck ay tila nahihirapan itong tumakbo habang binabaybay nito ang paibabang bahagi ng kalsada sa naturang lugar.
Pagdating umano sa may bahaging paibabang kalsada patungo sa national road ay biglang nawalan ng preno ang nasabing truck na naging dahilan ng pagkatumba nito kung saan ay naging sanhi naman ng pagkahulog ng karga nitong backhoe.
Ayon pa sa mga nakasaksi, bago pa umano nahulog ang nasabing backhoe ay tumalon di-umano ang biktima mula sa truck ngunit aksidente itong naipit ng backhoe sa may bahagi ng kanyang bewang na naging sanhi ng kanyang agaran pagkamatay.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng Looc Municipal Police Station ang naturang insidente.