Kinumpirma ng Rural Health Unit ng San Andres nitong hapon ng Lunes na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19 ang isang locally stranded individual (LSI) na umuwi sa kanilang lugar kamakailan.
Ayon sa RHU San Andres, ang pasyente ay pauwi na sana matapos ang kanyang 14-day facility quarantine ngunit nagpositibo ito sa rapid testing kaya agad na kinunan ng swab samples noong July 30 para kumpirmahin ang resulta.
Sa ipinadala na resulta ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ngayong hapon, lumalabas na positibo ang pasyente na mahigit isang taong gulang palamang.
Isinangguni na rin umano ng RHU San Andres sa Provincial Epidemiology Survillance Unit (PESU) ang kanilang ginagawang hakbang matapos malaman na positibo sa virus ang bata.
Aniya, nagsasagawa na ang lokal na pamahalaan ng San Andres ng contact tracing at naka-isolate na sa mga quarantine facilities ang mga direktang nakalamuha ng pasyente.
Bukas inaasahang kukunan sila ng swab samples para isalang rin sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Samantala, humingi ng pang-unawa ang San Andres RHU at pinayuhan ang lahat na huwag mag panic, at manatiling kalmado.
“Tandaan po natin na ang pagpapalakas ng immnue system, physical distancing, tamang paghugas ng kamay at pag suot ng face masks ang pinakambisang paraang upang malabanan ang kasalukuyang pandemya,” pahayag ng RHU San Andres.