Nagpositibo rin sa coronavirus disease 2019 o Covid-19 ang ina ng sanggol na nag positibo sa virus noong nakaraang linggo, batay sa resulta ng kanyang swab test.
Ito ang kinumpirma sa Romblon News Network nitong Lunes ng Alcantara Rural Health Unit at ni Alcantara mayor Riza Pamorada.
Ayon kay Mayor Pamorada, nakikipag-ugnayan na sila sa Caloocan LGU at sa Office of the Vice President para sa isolation facility na tutuluyan ng ina ng sanggol dahil hindi umano ito pwedeng isama sa sanggol dahil ang huli ay gumaling na virus.
“Hindi siya pwede isama sa baby kasi negative na si baby. Recovery Period na. Hindi si Nanay ang mag aalaga kay Baby,” pahayag ng alkalde.
Sa pinakahuling taya ng Alcantara RHU, sa 29 na close-contact ng sanggol na nag positibo sa Covid-19, 17 rito ang nag negatibo sa test, habang isa ang positibo, at 11 pa ang hinihintay ang kanilang mga resulta.
Samantala, ayon sa Department of Health – Romblon, hindi napabilang sa mga cases ng lalawigan ng Romblon ang ina ng bata dahil 5 araw lang umano itong nanatili sa lalawigan at sa halip ay mapapabilang siya sa datus ng National Capital Region.